Kenneth Llave

Kenneth ukol sa representasyon ng wikang Tagalog sa pamamagitan ng pagsusuri ng Original Pinoy Music.

Ang kwento ni Kenneth

Dito, ipakikilala natin si Kenneth Llave na siyang naghahanapbuhay bilang isang business development director sa isang advertising agency sa Metro Manila, Philippines. Gagabayan tayo ni Kenneth sa ating pagtanaw sa representasyon ng wikang Tagalog sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga halimbawa ng Original Pinoy Music (OPM).

Ang panayam na ito ay isinagawa ni Yoshi Emanuël.

Hello Kenneth. Salamat sa paglaan ng oras mo ngayon at sa pagbabahagi ng pananaw mo sa wikang Tagalog. Ako, bilang isang Filipino mismo— isa sa mga alam ko 'yung mayaman nga sa mga katutubong wika ang Pilipinas. Habang English at Tagalog 'yung mga opisyal na wika ng Pilipinas, interesado naman ako malaman 'yung sarili mong linguistic background.

English 'yung madalas kong ginagamit sa pagsasalita, pero natuto rin naman ako ng Tagalog mula n'ung eight years old ako. Palagi na rin kasing kasama 'yung Filipino classes sa curriculum namin. Kaya mula n'ung grade school hanggang sa pagtungtong ko sa college, hindi mawawala 'yung Filipino (history) class. Kahit papaano, may gamay na rin ako sa fundamentals ng written Tagalog. Kaya kung ikukumpara mo ako sa mga kaibigan ko, minsan may mga nagagamit akong salita na hindi nila alam. Ayun nga lang, kung pagsasalita ang usapan, medyo hindi ako gan'un kagaling.

Noong nasa grade school at high school ako, bago pa man maging college student, nagkakaroon kami rati ng mga declamation contest. Tanda ko sa paaralan ko noon, may pagdiriwang kaming nagtatagal ng isang buwan, na “buwan ng wika” kung tatawagin. Kung isasalin, “Language Month” o “Tagalog Month” 'eto sa English. Kasama sa pagdiriwang ‘yung kakailanganin ng buong klase na magsuot ng damit na naaayon sa ibibigay na tema o paksa, kunwari, tulad ng traditional fiesta ng isa sa mga probinsya rito. At isa sa mga contests na ‘to ‘yung may isang estudyanteng magsisilbing kinatawan ng klase niya tapos bibigkas siya ng isang tula o kuwento sa harap ng mga tagapanood. Ginagawa ko 'yun dati sa English at Tagalog, kaya hilig ko talaga noon ang public speaking (hanggang ngayon pa rin naman!). Kung tutuusin, 'eto nga siguro 'yung mga panahong napanatili sa 'kin 'yung Tagalog ko sa pamamagitan ng mga gawain sa paaralan.

Bago pa 'yung panayam na 'to, nabanggit mo na sa 'kin na musika yata 'yung pinakamainam na paraan para makaugnay ka sa wika. Meron ka bang mga halimbawa ng Tagalog na kanta na pinapakita 'yung pananaw mo tungkol dito?

Oo, at sa totoo lang, pinaghandaan ko 'yan! Alam mo ba 'yung OPM?

Hindi, e. Ano'ng ibig sabihin niyan?

Sakop ng music genre na tinatawag na OPM o "Original Pinoy Music" ang pop songs na gawa ng mga Filipino, lalo na 'yung mga binubuong ballad na nagiging patok, mula 1970 hanggang ngayon. Para sa akin lang, mas hilig ko 'yung mga music na mellow/lo-fi/chill 'yung vibe.

Gusto kong magbahagi at i-highlight 'yung dalawang banda na pinakagusto ko sa specific genre na 'to. Maliban sa beat at sa music mismo, parehas na nakakapagpalitaw 'yung mga bandang 'to ng kapansin-pansing imahe gamit ang mga lyrics tuwing kumakanta sila.

Ben&Ben 'yung pangalan ng unang banda (dati kilala bilang The Benjamins). Binubuo ng maraming band members 'yung folk/ folk pop band na 'yun pero kambal na lalaki 'yung mga lead singers. Sina Paolo Benjamin at Miguel Benjamin. Magaganda talaga 'yung mga love songs nila. Napakalinis ng tunog nila. Gusto kong magbahagi ngayon ng snippet ng isa sa mga kanta nila. "Pagtingin" 'yung pangalan ng kanta.

Ben&Ben - Pagtingin

'Wag mo akong sisihin

Mahirap ang tumaya

Dagat ay sisisirin

Kahit walang mapala

 

Sa tingin ko, sa mga gan'tong tipo ng kanta ko talaga nare-represent yung connection ko sa wika. 'Di ko man alam 'yung lahat ng detalye o salita, tuwing nilalabas o kinakanta nila 'yung mga gan'tong kanta, natutulungan akong ipagtagpi-tagpi 'yung saysay ng lyrics.

Merong isang beses n'ung nasa US ako, nakikipag-usap ako n'on sa pinsan ko gamit 'yung Tagalog. May taong napadaan lang n'un ta's biglang siyang nagsalita. Sabi niya, "Ehm, sorry po pero narinig ko po kasi pag-uusap niyo. Ano po 'yung wikang ginagamit niyo?" Sinabi namin Tagalog nang madalian ta's nagpahabol siya na "ang ganda naman ng wika" raw. Sa puntong 'yun, napagtanto kong meron nga talaga kaming impluwensiya sa pagpapakita kung ga'no kaganda 'yung wikang Tagalog.

Kung pagninilayan mo 'yung oras mo dati sa paaralan, may mga bagay ba na sana ginawa mo na lang pala, lalo na't ngayon napagtantuan mo na 'yung matinding impluwensiyang meron ka dahil nakakapag-Tagalog ka?

Kung may paraan man ako para makabalik sa mga panahon no'ng nag-aaral pa 'ko at may matutunan pa lalo sa Tagalog, kunwari sa paghahasa ng writing skills ko, gagawin ko talaga 'yun. Ngayon, mas mabuti na 'yung pag-uunawa ko at 'yung pagpapahalaga ko sa kung pa'no matatanggap ng iba 'yung wika.

'Yung malungkot lang talaga, hindi naman talaga napa-prioritize yung Tagalog. Sa nitong mga nakaraang taon, may senador din na nagsabing hindi masyado gamit 'yung Tagalog sa curriculum sa paaralan. At sa totoo lang, isa sa mga salik dito 'yung sitwasyon namin ngayon sa pulitika.

'Di ako gan'un ka-proud na nagsasalita ako ng "Taglish" kung tatawagin. Pero kahit papa'no, andu'n lang talaga rin yun sa kung pa'no ako pinalaki at hinubog ng sistema namin sa school. Nagsasalita ako para sa maraming batang Filipino-- Siyempre, 'di ko sadyang nagsasalita 'ko ng Taglish. Kung kaya ko sana, e'di pipiliin kong hindi.

Oo. Kung nabigyan ka man lang ng pagkakataon.

Oo, ayun na nga.

May mga napapansin ka bang banda o artista na ipinaglalaban 'to? Kunwari, 'yung pag-promote ng Tagalog sa paglalabas pa ng mga Tagalog na kanta?

'Yung buong essence kasi ng OPM, Tagalog halos lahat ng mga kanta rito. 'Yung iba lang sa mga mainstream na artista o banda tulad ng Ben&Ben, may mga English songs na kasingganda lang. Tingin ko gumagawa rin sila ng mga English na kanta kasi may appeal din sila sa ibang bansa. Kaya gets kong, sa isang panig, nire-represent nila 'yung Pilipinas sa ibang bansa, pero sa kabila naman, nagre-reach out pa rin sila sa mga kapwa Pinoy gamit 'yung magagandang Tagalog na kanta.

Nabanggit mong may pangalawang banda kang gustong ibahagi sa 'min.

Ah, oo. 'Yung pangalan ng isang banda, Up Dharma Down.

Narinig ko na 'yan!

Ah, nabalitaan mo na pala sila! Mas matanda 'yung bandang 'yan. Siguradong hindi bababa sa doble ng edad ng Ben&Ben. Parang lo-fi at chill Japanese music yung vibe ng kanta nila. Kung makita o maisip mo 'yung Up Dharma Down, baka maisip mong weird o kakaiba sila pero mainstream talaga 'yung mga kanta nila. 'Eto 'yung isa sa mga kanta nilang gustung gusto ko: "Oo" 'yung pangalan. "Yes" 'yung big sabihin n'un sa English.

Up Dharma Down - Oo

Hindi mo lang alam naiisip kita

Baka sakali nga maisip mo ako

Hindi mo lang alam hanggang sa gabi

Inaasam makita kang muli

 

Tulad ng nakikita mo, naaappreciate ko talaga 'yung mga artista o bandang kagaya ng Ben&Ben at Up Dharma Down na ginagamit nang mabuti 'yung wikang Tagalog. Nakikita ko talaga ang sarili ko sa tagpuan ng bawat kanta. Tuwing pinipikit ko 'yung mga mata ko, tamang tama lang talaga 'yung tunog. 'Yung himig, 'yung beat, at lahat-lahat. Nakakaginhawa talaga, lalo na kung 'di naging maganda 'yung araw ko. Kahit nga sa magagandang araw, masarap talaga pakinggan. Nakaka- ano talaga... lubag ng loob? Aliw? Halu-halo ng mga 'yan?

Salamat sa pagbahagi ng mga kanta at kung ano sila para sa 'yo. Salamat din sa paglahad ng kung pa'no nagagamit 'yung Tagalog sa pagpapagalak sa 'yo. Sa paraang 'to mapapalapit ka talaga sa wika.

Oo, sakto. At saka ipinagdiriwang nito 'yung wika!

Meron ka pa bang ibang kaalaman na gusto mong ibahagi sa ating mga mambabasa?

Kung meron man akong nais pa sanang mas mabatid ng nakararami, siguro 'yun 'yung mga kakaibang Filipino aesthetics at design. Hindi kasi sila halata. Kung iisipin mo man 'yung Japan o Korea, klarong-klaro talaga kung anong klaseng visual aesthetic 'yung pinapatupad nila-- kunwari, sa fashion trends.

Sa Pilipinas kasi, gan'on kalinaw 'yung kultura tulad ng dito sa mga lungsod. Sa pangkalahatan, melting pot pa rin kami ng iba't ibang diyalekto pati ng iba't ibang paraan sa pag-express ng sarili. Dahil diyan, kaya namin magsalita sa paraan na pinakakomportable para sa'min. Sa Japanese, kunwari, merong kilalang pormal na paraan ng pagsasalita. Pero sa Tagalog, casual na pananalita 'yung kadalasang ginagamit. Wala namang magsasabing, "Huy, bakit mo pinaghahalu-halo 'yung mga salita?" Siyempre, may mga extremes talaga kung mag-isip, pero in general, acceptable naman gamitin 'yung wika sa paraan na prefer mo.

'Yung mga jeep-- magandang halimbawa 'yan kasi pwede mong gawin kahit ano'ng gusto mo sa sarili mong jeep. Gan'on din 'yung kaso sa aesthetics ng mga gamit at ng mga gusali. Maraming timpla ng iba't ibang disenyo. Pero 'yung paghahalu-halo ng iba't ibang mga bagay, 'di lang siya linguistic phenomenon-- nakikita rin 'to sa pang-araw-araw na gawain.

Meron akong kaibigang architect. Tanda ko nagkwento siya sa 'kin dati tungkol sa US. English talaga 'yung pangunahing wika nila. Kung pumunta ka sa environment nila, bihira kang makakakita ng mga bagay na kakaiba o personalized. Lahat sila nagsasalita lang ng iisang wika, maliban na lang siguro sa malalaking lungsod na diverse, tulad ng New York, Los Angeles, San Diego, o kung anu-ano pa. Halata namang mas marami 'yung mga kulturang sinasaklaw ng mga 'to. Pero sa ibang mas maliliit na lungsod pati na rin sa mga rural na lugar, makikita mo 'yung commonality sa wika. Sa Pilipinas, nakakaranas 'yung mga tao ng iba't ibang paraan ng pamumuhay pati ng iba't ibang impluwensiya ng mga tao at rehiyon (isipin mo na lang 'yung impluwensiya ng mga Espanyol, Amerikano, at Hapon), kung saan nabuo 'etong iba't ibang diyalekto at paraan ng pananalita.  Nandiyan lang 'yung lahat ng impluwensiyang 'yan at nasa tao na 'yan kung pano sila bibigyan ng kahulugan. At dahil dito, pwede rin natin masabing hint ito sa carefree na paraan ng paggamit ng Tagalog sa pang-araw-araw na pamumuhay at pag-uusap.

IMG-9604.JPG

“Sa tingin ko, sa mga gantong tipo ng kanta ko talaga nare-represent yung connection ko sa wika. 'Di ko alam' yung lahat ng detalye o salita, tuwing nilalabas o kinakanta nila 'yung mga ganitong kanta, natutulungan akong ipagtagpi-tagpi 'yung saysay ng lyrics.”

Kenneth Llave

Interested in more content? You can find EQ on: